Annabelle Rama wants public apology from Lolit Solis


Patuloy pa rin ang palitan ng mga maaanghang na salita sa pagitan ng kampo nina Annabelle Rama at Lolit Solis. Ito ay bunsod pa rin ng diumano’y pang-iisnab ng talent ni Lolit na si Lani Mercado kay Ruffa Gutierrez, anak ni Annabelle, sa birthday party ng TV executive na si Wilma Galvante.

Sa kabila ng pananahimik ni Lani ukol sa isnaban isyu na naikuwento ni Ruffa sa The Buzz, hindi naman napigilan ni Lolit na ipagtanggol ang kanyang anak-anakan na si Lani. Bagay na hindi rin pinalampas ng ina ni Ruffa na si Annabelle, at hinamon pa ng suntukan ang StarTalk co-host.

Matapos nito, nagbigay na ng kanyang intensiyong makipagbati si Lolit sa Startalk noong Sabado, March 8. (Click here for the story). Sa katunayan, pabiro pa niyang sinabi, “Naku, Annabelle, Bisaya. Huwag ka nang magalit sa akin, ‘no! Hindi ko inaagaw si Eddie Guttierez, ‘no! Iyong-iyo na ‘yan!”

Bilang paliwanag, sumagot din si Annabelle Rama sa The Buzz kinabukasan, March 9, at inilahad ang kanyang panig tungkol sa isyu.

THE BEGINNING. Upang linawin ang mga pangyayari, unang tinanong ng The Buzz co-host na si Boy Abunda kay Annabelle kung paano nagsimula ang isyu sa pagitan nila ni Lolit.

Ayon kay Annabelle, “Nagsimula ‘yan sa The Buzz, okay? Tumawag sa akin si Ruffa last week, ‘Mommy,’ sabi sa akin, ‘kailangang sagutin ko yung issue naming dalawa ni Lani. Sabi ko, ‘Huwag ka nang pumatol sa ganung isyu dahil ang kalaban mo, walang career, baka gagamitin ka,’ sabi ko sa kanya. Tumawag siya ulit sa akin, ‘Hindi raw puwedeng hindi ako sasagot dahil host ako sa show, kailangan i-explain ko.’ Sabi ko, ‘Idaan mo na lang sa biro. Huwag mo na lang seryosohin.’ Siguro nagbiro si Ruffa, hindi natanggap ng kabila, okay?

“The next day, birthday ni Daboy [Rudy Fernandez], lumapit sa akin si Bong [Revilla], sabi sa akin, ‘Puwede ba huwag nang palakihin ang gulo? Nakikiusap ako sa ‘yo.’ Sabi ko, ‘Bong, maaasahan mo ako. Unang-una, napaka-cheap ng isyung ito, isnaban lang papalakihin ko pa. It’s not worth it, mauubos ang aking oras diyan.’ Sabi ko, ‘Maaasahan mo ako, Bong, hindi ako sasagot, hindi ako magpapa-interview.’ So yung party ni Daboy, wala akong reporter na sinasagot, wala akong reporter na ine-entertain.

“The next day, si Ruffa umiyak sa akin. Sabi niya, ‘Mommy, nabasa mo ba yung newspaper? Napakasama naman ng sinasabi ni Lolit Solis sa akin, below the belt.’ Sabi ko, ‘Ruffa, ayaw kong makipag-away this time, tumahimik ka na diyan. Huwag ka na magbasa ng diyaryo para hindi maging bad mood ka.’ Tawag siya, ‘Mommy, basahin mo nga.’ Sabi ko, ‘Ruffa, busy akong nagbabasa ng script ko, mine-memorize ko ang dialogue ko para sa shooting natin bukas.’ Iyak siya nang iyak sa akin, sabi ko, ‘Basahin ko na nga.’ E, di binasa ko, ang sama-sama, okay?”

DIFFERENT ISSUE. Ayon pa kay Annabelle, isa sa mga pinagtatakhan niya ay kung bakit ipinasok pa ni Lolit sa kanyang radio interview sa kanya ni Ogie Diaz sa Wow, Ang Showbiz! ang mga babaeng naghahabol daw kay Bong Revilla.

“Ang isyu ni Lolit, hindi nakatutok dun sa isyu ng isnaban,” paliwanag ni Annabelle. “Ang isyung ginagawa niya, puro Bong at puro Lani. Pabalik-balik, sinasabi niya sa kanyang interview, ‘legal wife.’

“Lani, wala nang aagaw sa iyo, ‘Day. Kung si Ruffa ang inaasahan mo na aagaw sa asawa mo, nagkakamali ka. Maski wala si Yilmaz [Bektas] sa buhay ni Ruffa ngayon, wala siyang panahon agawin ang asawa mo. Iyung-iyo na, isaksak mo sa baga mo kung gusto mo, okay?”

Patuloy ni Annabelle, “Nangyari ‘yan, Boy, kaya ako nagagalit naman, ang sabi ni Lolit, ‘Mga babae ni Bong naglalaway sa kanyang ano…’ Ayaw ko nang ulitin yung iba pang word, baka pagtatawanan na naman ako sa English ko, okay?

“Naglalaway daw siya [Ruffa] kay Bong. Bakit napunta doon ang isyu? Si Ruffa hindi naglalaway kay Bong, okay? Kanya-kanya na, baka ibang babae ang gustong umagaw kay Lani, hindi si Ruffa. Laging pinapasabi sa akin ni Lolit na ganyan.”

“PARA AKONG TINATRAYDOR.” Kuwento ni Annabelle, bago pa man lumaki ang isyu, nakausap na niya diumano si Lolit at hiniling na manahimik na lamang sa isyu.

“Ang ayaw ko lang kay Lolit,” ani Annabelle, “kaya ako nagalit sa kanya kasi tinawagan ko siya, e. Sabi ko, ‘Lolit,’ sabi ko, ‘nakiusap sa akin si Bong, kung puwede lang huwag na kayong kumibo at hindi ako kikibo.

“Kasi nabalitaan ko, titirahin mo raw si Ruffa sa StarTalk, punto by punto.’ Sabi ko, ‘Ano ba ang nagawa ng anak ko sa ‘yo? Bakit mo naman titirahin punto by punto sa StarTalk?’ Sabi niya, ‘Wala, kasi ganyan.’ Sabi ko, ‘Tama na ito. Nakiusap na sa akin si Bong, tama na, wala na tayong sasabihin sa press.’”

Ngunit hindi raw sumunod si Lolit sa pakiusap ng ina ni Ruffa.

“Tahimik na tahimik ako, para akong tinatraydor,” sasbi ni Annabelle. “Kaya ako nagalit kasi parang akong tinatraydor ni Lolit. The next day, putak siya nang putak sa radyo at saka sa diyaryo. Ang sasama pa ng mga sinasabi tungkol kay Ruffa.

“Sabi ko nga, Boy, nung nabasa ko siya sa diyaryo at narinig ko siya sa radyo, sabi ko, ‘Nakalimutan yata ni Lolit ang nanay ni Ruffa is ako.’ Sabi ko, ‘Kasi parang binabalewala ang friendship namin, mas kinampihan pa niya si Lani.’”

Bilang paalala sa kanyang kaibigan, pinayuhan niya si Lolit.

“At saka Lolit, huwag mo akong tatakut-takutin, okay? Ako, tapos na sa atin ang away. Pero gusto ko lang maklaro lang sa side ko, na ako, wala akong itinatagong baho sa pamilya ko, wala akong bahong itinatago sa sarili ko. Kasi lahat ng baho namin, baho ko, ako ang nagbubulgar sa publiko. Kaya ang mga anak ko, takot akong mag-guest sa TV, alam nilang wala akong tigil din. Kaya huwag mo akong tatakut-takutin.”

BLAMING LANI. Kung mayroon mang isang tao na sinisisi si Annabelle na naging sanhi ng gulong ito, ito ay walang iba kundi si Lani Mercado.

“Actually, ang bine-blame ko sa gulo na ito si Lani, kasi kung hindi ba naman siya nang-isnab kay Ruffa,” sabi niya.

Dahil dito, pinayuhan pa niya ang asawa ng senador.

“Lani, advice ko sa’yo, alam ko nanonood ka sa akin ngayon, asawa ka ng isang politician, okay, sikat na artista, hindi ka dapat nag-supladita. ‘Day, napaka-supladita mo. Ano bang mag-‘hi’ ka kay Ruffa kahit yung ‘hi’ mo lumabas sa ilong mo? Okay na rin yun, at least, nag-‘hi’ ka, okay? Hindi yung napakasuplada mo, ‘Day, hindi ko alam kung bakit.

“Bakit ka ba galit kay Ruffa, naiinggit ka ba? Huwag kang mainggit kay Ruffa, ‘Day. Kasi ang alam ko, lahat ng mga asawa ng mga politician mababait. ‘Hi’ nang ‘hi’ sa lahat ng tao, kailangan mo ng boto, e, siyempre ‘hi’ ka nang ‘hi’, maski hindi mo kaibigan.

“Kasi ang advice ko sa aking mga talents, sa mga anak ko, kailangang maging friendly sa show business, maski out sa show business, lalo na kapag mga senior stars, mag-’hi’ kayo. Naiinis nga ako sa mga alaga ko, sa sobra namang pagha-’hi’, pati mga alalay ng mga artista nagha-’hi’ at nagki-kiss din sila. Hindi ganun. Sabi ko, lahat ng ‘hi’ sa mga artista, hindi sa mga alalay nila.”

Hindi rin naiwasan ni Annabelle na ikumpara si Lani sa kanyang anak na si Ruffa. “Itong si Lani, dapat gayahin mo si Ruffa, ‘Day. Si Ruffa, hina-’hi’ lahat, pati kaaway hina-’hi’ niya. Dapat ganyan ka rin kasi kawawa naman si Bong.

“Kaya sabi ko kay Bong nung sa party ni Daboy, sabi ko, ‘Bong, para walang gulo, pagsabihan mo ang asawa mo na maging friendly man lang siya, mabait siya sa kapwa, huwag siyang maging suplada,’ sabi ko kay Bong.

“Kaya ikaw, Lani, para ang asawa mo ay bumait sa ‘yo at wala kang kalaban, wala kang kaaway, magpakabait ka. Kaya alagaan mo ang asawa mo para hindi siya mangangaliwa. Ganun ang ginawa ko sa asawa ko, e.”

LANI’S APOLOGY. Tila hindi rin makapaniwala ang ina ni Ruffa sa paghingi ng paumanhin ni Lani sa TV.

Kuwento ni Annabelle, “Kasi nangyari sa airport, nakita ko yung interview sa airport, ang sabi niya, ‘Tigilan n’yo na. Puwede ba huwag palakihin ang isyu?’ Hindi ako nagpalaki sa isyu, ikaw ang nagpapalaki sa isyu at saka ang manager mo.

“Kasi kung talagang marunong ka, dapat ikaw tinawagan mo si Lolit, pinapahinto mo ang bunganga ng manager mo. Ang ginawa mo, parang kinukunsinti mo pa si Lolit. Umabot na sa radyo, dalawang radyo na, may newspapers pa. Hindi mo siya pinapapigil, e. Ako ang papatigilin mo?

“Ang hindi ko maintindihan, bakit umiyak sa TV? Anong reason kung bakit umiyak ka? Pinapa-feel mo sa taong-bayan inaapi-api kita? Hindi kita inaapi, ‘Day.

“Sa tingin ko kina Lani, okay tatanggapin ko yung hamon mo sa akin na ayaw mo ng gulo. Okay, ayaw ko ng gulo talaga, Lani, pero nakikita ko sa mata mo, yung pagsabi mo ng sorry sa akin, hindi sincere, hindi galing sa puso. Yung iyak niya, yung iyak ni Hudas yun, e, nakita ko.”

CEASEFIRE? Sa kanyang panayam sa The Buzz, nilinaw ni Annabelle na ayaw na niyang palakihin ang isyu. Ang tanging nais lamang daw niya ay ang maibigay ang kanyang panig sa nagaganap na word war sa pagitan nila ni Lolit.

Mahinahon na sinabi ni Annabelle, “Ako, hindi ako pumunta dito para makipag-away kasi kahapon, binaba na niya [Lolit] ang kanyang bandera doon sa kabila [StarTalk]. Ceasefire na sila kaya nandito lang ako ngayon para i-explain ko lang sa buong Pilipinas na nanonood sa atin ngayon dito na ako, never nag-start ng away. Never akong nag-umpisa ng away. Alam mo, kapag ako, ang aking anak, kinakanti at ang aking anak ay binibira nang hindi na tama, talagang lumalaban ako. Lumalaban talaga ako basta anak ang pinag-uusapan.”

Patuloy niya, “Ako, mabait akong tao, mabait ako, disente paminsan-minsan. Kapag ako ang kinakanti, bastos ang bunganga ko at bastos akong magsalita. Ayaw ko yung puro dada, gusto ko suntukan, sabunutan. E, sabi nila sa akin nasa bahay lang si Lolit, bakit ako pupunta sa bahay nila? Trespassing yun. Sabi ko nga, saang lugar, ‘no?

“Pero hindi na ako makikipag-away sa ‘yo, Lolit, sinabi ko na. Ewan ko, nagso-sorry ka ba sa akin kahapon o sabi mo sa akin ayaw mo na akong kalabanin, ayaw mo nang makipag-away sa akin.

“Pero ikaw ang nag-umpisa, ako ang tatapos. Hindi dapat ikaw ang magtapos, ako magtapos sa isyu, okay?”

Ganito rin ang naging mood ni Annabelle para sa kay Lani. Humingi ng tawad si Annabelle sa pagkakadawit ng pangalan ni Bong sa isyu.

“Hindi ako nakikipag-away sa ‘yo, Lani. Ie-explain ko lang ang side ko sa iyo, okay? Ang advice ko… Itong si Bong, naaawa ako kay Bong. Bong, I’m very, very sorry sa mga salitang nabitawan ko tungkol sa ‘yo kasi hindi puwedeng hindi kita ma-involve, ang pangalan mo, kasi ang manager mo laging binabanggit ang pangalan mo sa isyu. Ako, never akong pumapatol,” mensahe ni Annabelle.

Bagama’t bukas si Annabelle sa ideya na tapusin na ang gulo, sinabi niya na hindi magiging ganun kabilis para sa kanya ang gawin ito.

Paliwanag ni Annabelle, “Boy, hindi ganun kabilis, okay? Hindi naman ako robot na de-susi. Paandarin mo ako ‘tapos patayin? Hindi puwede. Ikaw ang nag-umpisa, ako ang magtatapos.

“Hindi ka dapat magtatapos kasi hindi pa nga naririnig ng taong-bayan ang side ko, e. Akala ng taong-bayan palaaway ako, salbahe ako. Hindi ako salbahe, Boy, kasi kung ako salbahe matagal na kaming wala ng asawa ko.”

“AKO ANG NANAY NI RUFFA.” Upang matapos na ang gulo at muling maibalik ang pagkakaibigan, nag-iwan ng mensahe si Annabelle sa katunggaling si Lolit.

“Kay Lolit, next time, bago ka tumalak nang tumalak, tingnan mo muna ng mabuti kung sino ang kalaban mo at saka kung sino yung tinatalakan mo. Kasi minsan inaapakan mo yung ano ng tao, hindi mo alam… Nakalimutan mo ako yung nanay ni Ruffa. Kaya nung binasa ko yung diyaryo, nakalimutan mo na ako ang nanay ni Ruffa.

“Kaya ako nagalit dahil sabi ko, sa tagal ko na siyang kilala, sa tagal ko na siyang kaibigan, doon pa siya kay Lani kumampi. At saka ang pakiramdam ko diyan kay Lani, Boy, hindi naman tama. Nag-overreacting si Lolit sa pagkampi niya kay Lani. Sobra-sobrang overreacting ni Lolit talaga doon na talagang pinarusahan niya si Ruffa. Hindi na maganda yun.”

Kasunod nito, humiling si Annabelle ng public apology mula kay Lolit para sa kanyang anak na si Ruffa na diumano’y nasaktan sa kanyang mga pahayag.

“Ang masasabi ko kay Lolit, bago kita mapatawad, Lolit, mag-public apology ka kay Ruffa na hindi siya kasama sa mga babaeng naglalaway kay Bong at saka sa ano ni Bong, hindi siya naglalaway doon.

“Kaya ikaw, tumigil ka na rin Lolit. Kung gusto mo akong maging kaibigan ulit, mag-public apology ka kasi hindi kami basta-basta ganunin mo, okay?”

Source: PEP

Share and Enjoy:
  • del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Technorati
  • YahooMyWeb